
Di ko matandaan kung kelan ako natuwa sa ilong ko. Maliit pa ako singhot na ako ng singhot. Nakausap ko nga kelan lang yung kaklase ko nung elementarya, sabi nya uhugin daw ako. Yun lang daw ang naaalala nya. Kadiri no?
Pag umuubra yung kati ng ilong ko dati, ang gusto ko gawin eh gupitin sya tapos ilatag sa mesa at iharap saken yung loob. Tapos kukuskusin ko ng steel brush dahil sa kati. Syempre di ko ginawa yun. Pero muntik muntikan na. Mga nagawa ko na sa ilong ko dahil sa kati...kinamot nang kinamot hanggang dumugo... tinusok ng karayom tapos nilagyan ng alkohol...pinasukan ng yelo yung loob....nilagyan ko ng mouthwash sa loob...nilagyan ko ng vicks vaporub....nilublob ko buong mukha ko sa iced water....at marami pang iba.
Ang turo ng titser ko dati, ang ilong ay isa sa five senses at ginagamit daw ito para pang amoy at para huminga. Nyeh, eh hindi nga ako humihinga sa ilong ko e. Pag natutulog nga ako, nakabuka bibig ko at may nakapasak ang tisyu sa mga butas ng ilong. Actually, isa sa mga
greatest fears ko dati ay makidnap. Kse napapanood ko sa pelikula na ang mga nakikidnap eh nilalagyan ng duct tape yung bibig hanggang palayain sila ng bida. Naku, eh di kung ako yung kidnapin tapos i-duct tape bibig ko, e di namatay na ako agad at natapos yung pelikula. Buti na lang di kami mayaman kaya di ako nakikidnap. At palagi akong bida.

Hiskul. C.A.T.(oo, c.a.t. pa tawag dun noon) Platoon lider ako nun e. May pa-sword sword pa ako nalalaman. Marunong pa ako sumaludo gamit ang sword ko. "Tanghaaaaaaaaalll......TAAAA!!" Maniwala kayo't sa hinde, yung matulis na dulo ng sword ko ay pumasok sa right nostril ko at muntik nang butasin ang ilong ko. Pramis, nakakahiya. Kse duguan na sya habang nasa formation. Naiiyak na nga ako sa saket eh isa isa pa ako nilapitan ng mga nasa platoon ko..."ser, ser..ok ba kayo?". Ay tae, iwanan nyo ako! iwanan nyo ako! sana lamunin na ako ng lupa ngayon din!!!!!!!
Nung college ako, bumili ako ng giniling sa casaa. Tapos naisip ko, di ako gutom kaya pinabalot ko na lang kay manang. Tapos nagklase na ako. Tapos umuwi na ako. Tapos naalala ko yung giniling ko sa bag. Nilabas ko at nilagay sa plato at inumpisahang kainin (sa dining room yun ha). Tapos etong ate ko nasa sala, sabe..."Ano yung naaamoy kong mabaho?"...Syempre ako naman walang pakelam, subo lang ng subo....tapos dumating ate ko sa mesa ko...inamoy pagkain ko...panis na daw. Hanggaleng.

ROTC. Takot na takot ako dati magkamali sa ROTC kase ayoko mag push up (kse hanggang lima lang kaya ko gawin). Kaya laging charoled and aking garrison belt at boots. Tapos starched lagi ang aking uniporme at pati yung aking beret ay laging ayos. Ayun, nilagay ako sa marching platoon. Tae. E bawal gumalaw pag nasa formation. Ay tae talaga. Tapos di ako makasinghot kse sobrang barado. Ayun hahayaan kong tumulo sipon ko kse ayoko lang mag push up. Antanga no?
Medskul. Nung nagmemedisina ako at nagaaral sa library (di naman palagi), mahirap suminghot kse masunget yung librarian. Kaya ang ginagawa ko, pinapasakan ko ng tisyu yung ilong ko at nakayuko ako nagbabasa. Minsan nakakalimutan kong tanggalin yung nakapasak.
Clerkship. Sa operating room. Sterile area, sterile technique. Susme. Ang linya ng mga residente at consultants ko dati..."Nurse..pakipunas ang pawis ng noo ko." Syempre gusto ko sabihin..."Nurse...yung ilong ko please..". Pero hindi ko sinabi. Kaya makikita na lang nila na basang basa na yung face mask ko. Minsan, sa tagal ng operasyon natutuyo na lang sya dun. Yakkers.
Naging doktor ako, sabi ng tatay ko, gamitin ko daw lagi gamot ko kase nakakahiya sa mga pasyente ko. Hahahaha. E palagi ko nakakalimutan. At nakakatamad naman kse.

Hindi ako mahilig sa pagkain. Pag ako tinatanong kung saan masarap kumain inuulit ko lang yung mga naririnig ko sa mga kebigan ko. Para saken madalas, ang pagkain ay laman tiyan lang, pampabusog lang bah. Kaya ngayon kahit sinong med rep magyaya sa mamahalin at sikat na restawran ay di ako naeexcite. At hindi ako pupunta kung hindi required. Pag dumadalo ako, hinahayaan ko na lang mga kasamahan kong pumili ng wine galing sa cellar (oo, maarte sila at marunong pa silang tumikim tikim kuno). May mga komento pa silang...."hmmm...tastes like supermarket wine." Mga hunghang.
Hindi na ganun kadalas magdiarrhea ang ilong ko. Kse mas mainam ang panahon dito at wala mashado alikabok (pollen na lang, nakkks, sothialin, pollen daw). Pero ganun pa din ang aking pang-amoy,
or the lack of it (nakks, inggles!). Natutuwa naman ako at hindi na sya ganun kasama. So para san pa ang aking ilong? para may tirahan ang mga kulangot. yey!
*****
napaghahalata na naman na wala ako maisulat.